Ipinagmalaki ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na naging mabunga ang kanilang pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte na ginanap sa Clark, Pampanga.
Kasama ni Kim na nag-courtesy call sa Pangulo kahapon si United States Defense Secretary James Mattis.
Sa kanyang Twitter post, iniulat ng ambassador na kabilang sa kanilang pangunahing napag-usapan ay ang pagwawakas na ng giyera sa Marawi City.
Kung maalala naging malaking tulong din ang Amerika sa krisis sa Marawi kung saan liban sa mga armas, nagpahiram pa ito ng surveillance aircraft sa AFP.
Tinalakay din sa naturang pulong ang pagpapaibayo pa sa Philippine-US defense cooperation lalo na sa usapin ng counterterrorism efforts.
Si Mattis ay nasa Pilipinas para dumalo sa Southeast Asian Defense Ministers Meeting na ginaganap din sa Clark.
Una rito, todo papuri si Mattis sa Pilipinas kasunod nang pagtatapos ng limang buwang digmaan sa Marawi City.
Aniya, matagumpay daw ang bansa sa paglaban at pagsugpo sa ISIS inspired Maute terror group sa Mindanao.
Batid naman daw ni Mattis ang hirap ng mga sundalong nakipagbakbakan sa Mindanao para lamang labanan ang mga terorista.
Naniniwala si Mattis na magsisilbing mensahe sa mga sumusuporta sa terorismo ang pagkatalo ng mga terorista sa Marawi na walang natira kahit isang miyembro ng Maute group.