Muling binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa curriculum ng mga paaralan at unibersidad.
Sa kanyang talumpati sa closing ceremonies ng first Presidential Silent Drill Competition sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila, binigyang-diin ni Pangulong Duterte ang importansya ng ROTC upang magkaroon ng disiplina.
Nagbabala rin si Pangulong Duterte na huwag magpapadala sa mga ideolohiya ng mga makakaliwa dahil wala raw itong magandang maidudulot sa tao.
“Kapag dumaan kayo ng ROTC, meron kayong respect of authority and discipline, ‘yang mga bata na ayaw, hayaan ninyo sila dahil kapag nagkagulo, problema na nila ‘yan,” wika ni Pangulong Duterte.
Ipinag-utos din ng Pangulong Duterte ang pagkakaroon ng silent drill para sa watawat tuwing hapon, kagaya ng kanyang naobserbahan sa isang pagkakataon na dumalaw ito sa China.
Sa ginanap na kompetisyon, itinanghal na overall champion ang Philippine Military Academy, na nakakuha rin ng top prize na P300,000 mula sa Office of the President.
Naging first runner-up ang Philippine National Police Academy na nagwagi ng P200,000, habang ang Philippine Marine Merchant Academy naman ang second runner-up na nag-uwi ng P100,000.
Nasa ikaapat na puwesto ang Philippine Army Officer Candidate; ikalima ang Maritime Academy of Asia and the Pacific; ikaanim ang Philippine Air Force Officer Candidate School; at ikapito ang Philippine Navy Officer Candidate School.
Pinagkalooban din ang mga ito ng consolation prize na tig-P50,000.
Nangako naman si Pangulong Duterte na sa susunod na Presidential Silent Drill Competition ay kanyang tataasan ang premyo.
Ang silent drill competition ay iniutos ni Pangulong Duterte sa Department of National Defense (DND) at sa Presidential Security Group (PSG) upang i-promote ang interes sa ROTC program.