-- Advertisements --
Duterte in Tokyo
President Duterte while in Tokyo with Sen. Bong Go and Mayor Sara Duterte-Carpio

Isasapubliko umano ni Pangulong Rodrigo Duterte anuman ang resulta ng kanyang pagpapa-check-up sa doktor ngayong araw kaugnay sa iniinda nitong pananakit ng spinal column malapit sa pelvic bone o sa bandang balakang na dahilan na napaaga nitong pag-uwi mula sa Japan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, aalamin ng doktor ang pinsalang idinulot ng nangyaring pagsemplang sa motor ni Pangulong Duterte noong nakaraang linggo.

Ayon kay Sec. Panelo, kabilang din sa determinahin ng doktor kung lumala ang spinal injury na una na nitong natamo sa nagdaang motorcycle accident sa nangyaring aksidente kamakailan lang.

Tiniyak ni Sec. Panelo na walang itatago si Pangulong Duterte anuman ang findings ng doktor kaugnay sa kondisyon ng kanyang katawan at kalusugan.

“His consultation with a doctor is aimed at determining the medical condition of his body, as well as finding out whether his previous spinal injury from a past motorcycle accident has been aggravated by his recent fall,” Panelo said.

Samantala, pinasalamatan naman ng Malacañang si Mayor Sara Duterte sa maayos at elegante nitong paghalili kay Pangulong Duterte sa court banquet kagabi sa Imperial Palace pagkatapos ng enthronement ni Emperor Naruhito na una ng dinaluhan ni Pangulong Duterte bago siya bumalik ng bansa kagabi.

Inihayag ni Sec. Panelo na mamayang gabi, si Mayor Sara ulit ang kakatawan kay Pangulong Duterte sa Prime Minister’s banquet na handog naman ni Prime Minister Shinzo Abe sa mga imbitadong heads of states at piloing mga bisita.