-- Advertisements --

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang implementing rules and regulations (IRR) ng transition committee ng Deparment of Migrant Workers (DMW).

Sa pagdinig ng House committee on overseas workers affairs, kinumpirma ng anim na ahensiya ng gobyerno kabilang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang isang memorandum na inisyu ng Malacañang na nagsasaad na aprubado na ng Pangulong Duterte ang IRR ng Republic Act 11641 o batas para sa paglikha ng Department of Migrant Workers.

Sa bisa nito, epektibong pinapawalang saysay nito ang IRR na inilathala ni DMW Secretary Abdullah Mama-o na nauna ng inapela ng committee sa pangulo upang ideklarang void.

Kinumpirma naman ni Mama-o na natanggap na nito ang photocopy ng memorandum subalit giit nito na ang kaniyang inilathalang IRR ng DMW ay base sa batas at hindi dapat na ideklarang null at void hanggang hindi idinideklara ng court of law.

Umapela naman ang ilang grupo ng migrant workers na dapat ayusin ang dispute sa pagitan ng department officials at ipinunto na kaya isinusulong ang DMW ay para pagkaisahain ang lahat ng aksiyon, desisyon, polisiya na may kaugnayan sa mga OFWs.

Magugunita na nilagdaan noong December 2021 bilang batas ang paglikha ng Department of Migrant Workers para pagkaisahin ang lahat ng departamento na tumutugon sa concerns ng mga overseas Filipino workers.