ILOILO CITY – Personal na binisita ni Sen. Bong Go ang mga nabiktima ng bagyong Ursula sa Northern Iloilo.
Sa kanyang pagbisita sa lugar, namigay si Go ng pagkain at grocery packs.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Go, sinabi nito na sinabihan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na bisitahin ang mga lugar na naapektuhan ng bagyo at personal na tiyakin na mabibiyayaan ang mga ito ng ayuda.
Ayon kay Go, mamimigay ang Department of Social Welfare and Development ng tig-P5,000 sa 218 na mga pamilya na naapektuhan ng bagyo sa bayan ng Balasan at Carles, Iloilo.
Binigyan din ng P20,000 ang anim na pamilya na namatayan kasabay ng paghagupit ng bagyo.
Tutulong din ayon sa senador ang National Housing Authority upang mabigyan ng mga materyales sa pagpapatayo ng bahay ang mga biktima ng bagyo at magbibigay naman ang Department of Trade and Industry ng livelihood program o pangkabuhayan.
Dagdag pa ng senador, magbibigay din umano si Pangulong Duterte ng tig-P5 million sa limang bayan na labis na naapektuhan ng bagyo para sa kanilang mabilis na pagbangon sa kalamidad.