-- Advertisements --

Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa 64 na opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BOC) ang nakatakda nitong sibakin sa pwesto at sampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa korupsyon.

Sa kanyang talumpati kasabay ng pagtanggap ng cash dividends mula sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na batay ito sa lahat ng intelligence reports na nakarating sa kanyang tanggapan.

Ayon kay Pangulong Duterte, dahil nais niyang masunod ang patakarang “right to be heard” o karapatang mapakinggan ang panig, ipapatawag nito ang mga sangkot na Customs officials sa Malacañang.

Pero ngayon pa lamang, pinapapili na ni Pangulong Duterte ang mga ito na magbitiw sa pwesto o sampahan sila ng kaso.

Una rito ay pumutok ang umano’y P1 billion Tapioca-Shabu cover-up controversy.

Magugunitang ibinulgar ni dating Customs spokesperson Atty. Erastus Sandino Austria na ang anggulong entrapment operation na iginigiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa P1 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa isang warehouse sa Malabon City ay “fabricated” o gawa-gawa lamang.

Inihayag Atty. Austria na dati ring district collector sa Manila International Container Port (MICP), walang katotohanan ang claim ng PDEA na “controlled delivery” ang ginawa ng ahensya para lumutang ang mga sindikato ng droga kapag sumali sa public bidding.

Batay sa report, aabot sa 146 kilos ng shabu ang narekober sa Goldwin Commercial Warehouse sa Malabon nitong Mayo na sang-ayon kay PDEA director general Aaron Aquino ay galing umano sa Golden Triangle syndicate.