-- Advertisements --

Inianunsyo ngayon ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kinauukulang ahensya ng gobyerno na ibalik na sa Canada ang kanilang tone-toneladang basura na dumating sa Pilipinas noon pang 2013.

Sa press conference sa Malacañang, sinabi ni Sec. Panelo na labis ang pagkadismaya at galit ni Pangulong Duterte sa ginagawang delay ng Canada sa pagkuha ng kanilang mga basura.

Ayon kay Sec. Panelo, hindi naman ginagawa ng Canada ang kanilang mga sinasabi at commitment na kukunin ang mga basura pabalik sa kanilang bansa.

Kaugnay nito, iniutos ni Pangulong Duterte ang paghahanap ng private shipping company na magdadala sa mga basura sa loob ng teritoryo ng Canada.

Kung hindi raw tatanggapin ng Canada ang mga basura, iiwan daw ito sa kanilang karagatan o 12 nautical miles mula sa baseline ng alinman sa kanilang baybayin.

Sasagutin daw ng gobyerno ng Pilipinas ang gagastusin sa nasabing shipment.

“As a result of this offending delay, the President has instructed the appropriate office to look for a private shipping company which will bring back Canada’s trash to the latter’s jurisdiction. The government of the Philippines will shoulder all expenses. And we do not mind. If Canada will not accept their trash, we will leave the same within its territorial waters or 12 nautical miles out to sea from the baseline of any of their country’s shores,” ani Sec. Panelo.

Una ng nagbanta si Pangulong Duterte na giyerahin ang Canada kung hindi nila tatanggapin ang kanilang mga basura na umaabot sa 103 containers.