TOKYO – Binigyang-diin ni Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to Japan Jose Laurel V na hindi kontrobersyal, bagkus ay “interesting” si Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga Hapon kaya isa siya sa napiling lider na magbibigay ng keynote speech sa Nikkei Forum sa kabisera na Tokyo.
Sa press briefing sa Philippine Embassy, sinabi ni Amb. Laurel na nakikita ng Japanese community si Pangulong Duterte bilang matapang at magaling na lider ng gobyerno.
Ayon kay Amb. Laurel, gustong-gustong marinig ng mga Japanese investors ang pananalita ni Pangulong Duterte lalo ang kanyang kampanya laban sa korupsyon.
Kasabay nito, inamin ni Amb. Laurel na malabong magkaroon ng audience si Pangulong Duterte kay bagong Japanese Emperor Naruhito.
Inihayag ni Amb. Laurel na ang Imperial Family bilang simbolo ng Japan ay masyadong tradisyunal, partikular sa protocol at seguridad kaya hindi maaaring basta-basta tumatanggap ng bisita.
Paliwanag ng ambassador, kung pagbigyan man ng Imperial Family si Pangulong Duterte, baka magpupumilit ding makapasok ang mga lider ng India, Malaysia, Indonesia at iba pang dadalo sa Nikkei Forum.
Si Amb. Laurel ay anak ni dating Ambassador Jose Laurel na nagsilbi ring kinatawan ng Pilipinas noong 1960s at nakatrabaho ang tatay ng ngayo’y Prime Minister Abe.