Ibibigay na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Executive Salvador Medialdea sa araw ng Lunes ang kautusang pagpapadala ng abiso sa gobyerno ng Estados Unidos kaugnay sa pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kaya raw hindi nakarating ang utos ng Pangulong Duterte sa ibang mga opisyal ay dahil weekend at sarado ang mga tanggapan ng pamahalaan.
“Unang-una, walang pang opisina—Sabado, Linggo. Si Presidente, nasa Davao. Paano niya mapapadala ‘yung kaniyang instruction,” wika ni Panelo.
“Hintayin na dumating ang mandate, bukas, pagdating ni Presidente . Syempre, kailangan mo na may magta-type noon, may magdadala sa opisina ni ES [Medialdea],” dagdag nito.
Nitong Biyernes nang ihayag ni Panelo na inatasan na raw ng Punong Ehekutibo si Medialdea na sabihin kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang pagpapadala ng notice of termination sa Amerika.
Gayunman, sinabi ni Medialdea na wala pa raw itong natatanggap na instruction mula sa Pangulo.
Maging si Defense Sec. Delfin Lorenzana ay iginiit na wala pang nakukuhang utos si Locsin, kaya tinawag nitong “fake news” ang impormasyon.
Nilinaw naman ni Panelo kalaunan na hindi pa raw natatanggap ni Medialdea ang opisyal na utos mula kay Pangulong Duterte.
“Kailangan, siyempre, mayroon ‘yung executive document or rather in writing ‘yung instruction sa isang opisyal mo,” anang opisyal.
“Hindi naman pwede ‘yung verbal lang,” dagdag nito.
Magugunitang nag-ugat ang utos na ito ng Pangulong Duterte sa pagkansela ng gobyerno ng Amerika sa visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.