-- Advertisements --

Inatasan na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte si Executive Secretary Salvador Medialdea na bigyan ng direktiba ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magpadala ng notice o abiso sa Estados Unidos ukol sa pagkalas ng Pilipinas sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nakatakda rin daw na mag-usap sina Pangulong Duterte at US President Donald Trump sa pamamagitan ng telepono.

Hindi naman malinaw kung kailan mangyayari ang tawag at kung ano ang pag-uusapan ng dalawa.

Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na wala raw balak si Pangulong Duterte na bawiin ang kanyang pasya hinggil sa isyu.

Sa kabila na rin ito ng mga pangamba ng mga mambabatas, opisyal, at security experts na magkakaroon umano ng negabitong epekto sa Pilipinas ang pagbasura sa VFA.

Suportado rin daw ni Lorenzana ang anumang magiging pasya ng Pangulo.

Sa ginanap naman na pagdinig sa Senado ukol sa pagrepaso sa benepisyo ng VFA, inihayag ni DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. na maaari umanong mawala ang bilyung pisong halaga ng tulong at maging ang magandang ugnayan ng Pilipinas sa mga kapitbahay nitong bansa kung kakanselahin ang kasunduan.

“While the Philippines has the prerogative to terminate the VFA anytime, the continuance of the Agreement is deemed to be more beneficial to the Philippines compared to any benefits were it to be terminated,” wika ni Locsin.

Matatandaang nag-ugat ang utos na ito ng Pangulong Duterte sa pagkansela ng gobyerno ng Amerika sa visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.