-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcements agencies na magsumite sa mga human rights group at International Criminal Court (ICC) ng ulat hinggil sa dami ng mga iligal na droga na pumapasok sa bansa.

Ito ay upang malaman aniya kung gaano kabigat ang problema ng bansa pagdating sa iligal na droga.

Sa kabila kasi ng dobleng pagsisikap ng pamahalaan ay marami pa rin ang bilang ng mga Pilipino, maging ang kabataan na gumagamit ng nasabing ipinagbabawal na gamot tulad ng ecstacy at iba pa.

Samantala, una rito ay ipinahayag na ng pangulo na hindi siya nakinabang sa war on drugs ng pamahalaan, at iginiit na para ito sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.

Magugunita na pansamantalang sinuspinde ng International Criminal Court (ICC) ang kanilang imbestigasyon hinggil sa mga alegasyon ng umano’y crimes against humanity sa bansa na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ito ay matapos na hilingin ng Pilipinas sa ICC na ipagpaliban muna ang imbestigasyon ng gobyerno nito sa mga mamamayan nito para sa mga umano’y pagpatay na may kauganayan sa kampanya laban sa ilegal na droga.