-- Advertisements --

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio na bigyan siya ng formula kung paano igigiit ang exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea laban sa China at ito ang gagawin niya.

Sinabi ni Pangulong Duterte, sinabihan na siya Chinese President Xi Jinping noon na magkakaroon ng “trouble” o giyera kapag ipipilit ang arbitral ruling sa mga teritoryong kapwa inaangkin ng Pilipinas at China kaya dapat turuan siya ng mga kritiko gaya ni Carpio kung ano ang gagawin.

Ayon kay Pangulong Duterte, paano natin lalabanan ang China na may atomic bomb habang ang kwitis ng Pilipinas ay “sparklers” lang.

“In the mind of China, it is theirs. In our mind, pati ni Carpio et al and… Ngayon sabi ko, turuan ninyo ako paano na sinagot na ako ni Xi Jinping noon, “there will be trouble.” Kaya sagutin mo muna ako Justice, give me the formula at gagawin ko. Eh ang… May pareho tayo may kwitis. Ang Pilipino, may kwitis. Ang China, may kwitis. Pero ang tip ng kwitis na ‘yan is an atomic bomb. May kwitis tayo dito ng atin. Ang ating kwitis, ang warhead, ulo, is just sparklers. Pang-pista lang itong atin, hindi ito pang-giyera,” ani Pangulong Duterte.

Kasabay nito, iginiit ni Pangulong Duterte na magiging walang saysay ang Konstitusyon ng Pilipinas at mistulang toilet paper na lamang kapag nagkagiyera na sa pagpupumilit ng pag-angkin sa mga teritoryong inaangkin din ng China gamit ang ruling ng Arbitral Tribunal.

Inihayag ni Pangulong Duterte na paano mo palalayasin ang China gamit ang Konstitusyon habang sila ay may missiles na sa loob lamang ng pitong minuto ay nasa Maynila na.

“Ganun ‘yan eh. Magpunta ako doon, sabihin ko, ‘Get out because this is the Constitution.’ Sabihin sa’yo, ‘Naubusan ka na ng toilet paper? Gamitin mo ‘yan.’ Ako, kung sabihin — you present to me a Constitution like that and we have this ruckus claiming the same place in our jurisdiction? Sabihin ko, ‘pag wala ka ng pang-ilo, gamitin mo ‘yung Constitution mo.”