DAVAO CITY – Nakahanda umano si Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay kay Vice President Leni Robredo ang nalalabing panahon ng kanyang termino upang ayusin ang isyu ng illegal drugs sa bansa.
Pahayag ito ng Pangulong Duterte matapos dumalaw sa puntod ng kanyang mga magulang sa lungsod ng Davao.
Paliwanag ng Pangulo, madaldal daw si Robredo at puro batikos kaya baka may alam itong solusyon.
“Siya itong madaldal, dito pati sa labas. Baka may alam siyang mas mabuting . . . If she knows a better method of dealing with the problem, then baka may ano talaga. If you criticize, you must have the answer. If you question, you must have the answer,” wika ni Pangulong Duterte.
“Bakit ko bigyan si Leni ng six months? Ibigay ko lahat, the remaining term, remaining days of my term, kung gusto niya,” dagdag nito.
Gagawin niya raw din si Robredo bilang miyembro ng Gabinete, at saka ito magbibigay ng marching orders kaugnay sa isyu ng iligal na droga.
“If I would take her in as the drug czar, I will have to first make her a Cabinet member. Then I will give her the marching orders and the specific functions. All in connection with drugs, kanya,” ani Duterte.
Naniniwala rin ang Pangulong Duterte na hindi na raw kailangan pang gumawa ng pormal na liham para dito, gaya ng mungkahi ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio.
“I will swear her as a Cabinet member. First, balik siya so that she will have the authority,” anang presidente.
Sakali aniyang tanggapin ni Robredo ang alok, magkakaroon na raw ito ng kalayaan upang humanap ng paraan para sugpuin ang illegal drugs at kriminalidad.
“Pagka tinanggap ni Leni… If anything that has to do with drugs and criminality, you ask her. Siya ang ilagay ko. Tingnan natin. Hindi na ako makialam,” sambit ni Duterte.
“Sabihin mo sa kanya tanggapin niya. Sisikat siya diyan. Hindi ko nakayanan, baka kaya niya,” dagdag nito.
Matatandaang kamakailan ay inalok ng Punong Ehekutibo ang bise presidente na maging drug czar.
Bibigyan umano ni Pangulong Duterte si VP Robredo ng buong kapangyarihan para solusyonan ang suliranin sa droga sa bansa sa loob ng anim na buwan.
Pero tinanggihan ito ni Robredo sa dahil kung matagumpay aniya ang drug war ay bakit ito ipapasa sa kanyang ng Presidente.