Nakatakdang lalagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget na magiging General Appropriations Act of 2019 sa darating na Lunes, April 15.
Batay sa tentative schedule ni Pangulong Duterte, isasagawa ang ceremonial signing sa batas ng pambansang budget sa Palasyo ng Malacañang.
Inaasahan naman sa naturang aktibidad ang liderato ng Kongreso sa pangunguna nina House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at ni Senate President Tito Sotto III.
Magugunitang naantala ang pagkakapasa ng national budget dahil sa palitan ng alegasyon ng mga kongresista at senador kaugnay sa umano’y pork barrel insertions.
Nilagdaan naman kamakailan ni Sotto ang enrolled version ng panukalang batas pero may “reservation” at hinikayat pa si Pangulong Duterte na i-veto ang kinukwestiyon nilang probisyon.
Wala pa namang pasabi kung may inihandang veto message si Pangulong Duterte partikular sa sinasabing P75 billion budget insertion ng Kamara.