-- Advertisements --

Posibleng hindi na umano iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang gusto nitong House Speaker sa darating na 18th Congress.

Magugunitang mismong si Pangulong Duterte ang nagsabing ihahayag nito ang mapipili kina Marinduque Rep. Alan Lord Velasco, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, mga nangungunang contenders sa pagka-speaker at sinabi naman ni Senator-elect Bong Go na sa June 28 gagawin ng pangulo ang anunsyo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, napag-usapan nila ang House Speakership nina Pangulong Duterte sa Thailand kung saan sinabi nitong “may the best man wins” kaya bahala na ang mga kongresista na pipili ng kanilang lider.

Ayon kay Sec. Panelo, hindi na rin dapat hintayin ng mga contenders kung sino sa kanila ang pipiliin ni Pangulong Duterte kasabay ng pagsasabing lahat naman sila ay parehong kuwalipikado, kaalyado at sumusuporta sa pangulo.

Inihayag ni Sec. Panelo na sa bandang huli, bahala pa rin si Pangulong Duterte kung iaanunsyo ang mapipiling speaker o tuluyan na itong didistansya kapag nakapagdesisyon.