-- Advertisements --
Duterte parents cemetery Go

DAVAO CITY – Mahigpit na ipinatupad ang seguridad sa Roman Catholic cemetery sa lungsod kasabay nang pagdalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puntod ng kanyang mga magulang nitong Miyerkules ng gabi.

Gaya sa mga nakaraang taon, kasama ni Pangulong Duterte si Sen. Christopher Bong Go at Presidential Security Group (PSG) pati na ang kanyang common law wife na si Honeylet Avancena.

Nag-alay ang Pangulo ng dasal at bulaklak sa libingan ng kanyang yumaong ama na si dating Davao Governor Vicente Duterte at ina na si Soledad.

Duterte bong go cemetery

Hindi muna isinagawa ang nakagawian ng Pangulo na nagbibigay ng food packs sa mga residente sa lugar kasabay ng kanyang pagdalaw sa puntod dahil na rin sa ipinapatupad na health protocols.

Ikinatuwa naman ng mga residente na muli nilang nasilayan ang Pangulo kahit isang beses sa isang taon.

Samantala sa panayam naman kay Sen. Go, kanyang sinabi na iniutos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-recall sa darating na Nobyembre 2 kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na naging usap-usapan matapos na kumalat ang CCTV footage kung saan makikitang minamaltrato nito ang kanyang kasambahay.

Pinaiimbestigahan na rin daw ang nasabing insidente.

Una nang iniulat ng DFA na hindi nila palalagpasin ang kinasasangkutang kontrobersiya ng ambassador.