Siniguro ng Malacanang na maglalabas ng appointment paper si Pangulong Rodrigo Duterte upang isapormal ang panunungkulan ni Vice President Leni Robredo bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, Cabinet rank kasi ang alok ng pangulo kay Robredo para maging drug czar.
Sinabi pa ni Panelo, kapag miyembro nang muli si Robredo ng Gabinete, hindi na nito kailangan na padalhan ng pormal na imbitasyon para sa mga Cabinet meeting.
Kailangan lamang aniya nitong mag-abiso sa Cabinet secretary sakaling hindi naman ito makakadalo sa mga pulong.
Maliban dito, sinabi ni Panelo na kapag naging miyembro na ng Gabinete si Robredo ay otomatikong isasalang sa performance evaluation ang kanyang trabaho.
Sakali aniyang hindi nakuntento ang Pangulong Duterte sa performance ng isang miyembro ng Gabinete ay may tsansa itong masibak sa puwesto.
“Lahat naman pwede eh, Presidente sya eh. Everybody holds office at the pleasure of the President, all of us know that,” ani Panelo.