-- Advertisements --

Sisibakin umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilan pang mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na dawit sa kaliwa’t kanang mga katiwaliang nabulgar sa mga pagdinig sa Senado.

Sa talumpati sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na kasama sa mga tatanggalin ang kanyang mga fraternity brothers, maging ang mga tumulong sa kanyang karera sa pulitika.

“Today, I have to complete the list of officials that I am going to fire, that I will dismiss from the [Bureau of Immigration],” wika ni Duterte.

“I have to completely list off officials…from the Bureau of Immigration…Ayaw ko,” dagdag nito.

“Ayaw ko kasi ‘yung iba, kilala ko, kaya lang ang iba mga brad ko. ‘Yung iba were with me in ‘88 when I first ran for the mayorship…,” anang pangulo.

Si Pangulong Duterte ay miyembro ng Lex Talionis fraternity na nakabase sa San Beda College of Law.

Una nang ipinag-utos ng Punong Ehekutibo ang pagsibak sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng BI na dawit sa kontrobersyal na “pastillas” scheme.

Ito ay ang pagbabayad umano ng mga POGO workers na nagpapanggap na Chinese tourists ng hanggang P10,000 sa Immigration personnel at nabibigyan pa ng “red carpet welcome” pagdating sa bansa.