Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ang lalawigan ng Batanes na tinamaan ng magkasunod na malalakas na lindol.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, lilipad umano si Pangulong Duterte mula sa lungsod ng Davao patungong Batanes dakong alas-10:30 ng umaga.
Sabado ng umaga nang yumanig ang dalawang lindol – isang magnitude 5.4 at isang magnitude 5.9 – sa probinsya kung saan pinakanapuruhan ang bayan ng Itbayat.
Walong mga indibidwal ang namatay sa naturang pagyanig, habang 60 iba pa ang sugatan.
Ilan din sa mga naitalang pinsala ang pagkasira ng ilang mga stone houses, paaralan, maging ang kampanaryo ng makasaysayang Santa Maria de Mayan church sa bayan.
Samantala, sinabi ni Batanes Gov. Marilou Cayco na kanyang pinag-iisipan kung magdedeklara ng state of calamity sa lalawigan.