-- Advertisements --

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala daw siyang balak magpadala ng “gray ship” at lumikha ng tensyon sa Recto Bank kasunod ng pagbangga ng Chinese vessel sa nakaangklang bangka ng mga mangingisdang Pilipino.

Sa kanyang talumpati kagabi sa anibersaryo ng Philippine Navy sa Sangley Point sa Cavite, sinabi ni Pangulong Duterte hindi dapat palakihin ang isang maritime incident lamang at baka mauwi pa sa nuclear war.

Ayon kay Pangulong Duterte, alam ng mga sundalo na konting “miscommunication” lamang ay maaari ng mauwi sa giyera, bagay na hindi handa ang Pilipinas at maituturing na suicide na.

Kaya dapat hintayin na lamang daw ang resulta ng imbestigasyon, bigyan ng pagkakataong mapakinggan ang panig ng China at saka pa lamang siya magsasalita.

Kung mapatunayan daw na kasalanan ng China ang insidente, pananagutin ito kahit pa malaki ang ipinautang sa Pilipinas.