Muling iginiit ng Malacanang na walang kailangang ipaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kasunod ng pagpayag ng ICC sa mungkahi ni dating Prosecutor Fatou Bensouda na dinggin na ang isyung kasong kriminal sa war on drugs sa Pilipinas.
Saklaw ng kahilingan ni Bensouda ang mga nangyari mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Ayon kay Roque, nananatili ang paninindigan ng pangulo na walang hurisdiksyon ang ICC sa anumang pangyayari sa bansang hindi naman bahagi ng ICC.
Matatandaang kumalas ang bansa noong Marso 17, 2019 o isang taon matapos ianunsyo ng chief executive ang pagbawi ng suporta sa Rome Statute, na siyang basehan ng pagkakabuo ng ICC.
Giit ni Roque, hindi kailangan ang panghihimasok ng international body sa ating bansa, dahil gumagana ang hudikatura sa Pilipinas at ito ang may pangunahing kapangyarihan na parusahan kung ang sinuman ay nagkasala.