-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kinumpirma ni Sen. Bong Go na masama ang pakiramdam ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagod bunsod ng maraming trabaho.

Ayon kay Go, maraming ginagawa ngayon ang Pangulo lalong-lalo na ang pagnanais na maibalik ang kapayapaan sa Mindanao.

Maliban dito, sinabi pa ni Go na maraming mga pagpupulong ang pinupuntahan ang Pangulo para sa bansa.

Ganunpaman, siniguro ng senador na nasa maayos na kondisyon ang chief executive at dahil lamang sa pagod kaya masama ang pakiramdam.

Inihayag ito ng opisyal sa kanyang pagbisita sa lalawigan para magbigay ng tulong sa mga residenteng naapektuhan bunsod ng pananalasa ng bagyong Ineng.

Samantala, idinaan naman ng Pangulo kay Go ang pakikiramay nito sa dalawang pamilya na namatayan dahil sa nagdaang kalamidad.

Personal din niyang iniabot sa dalawang pamilya ang tulong pinansyal na ipinabibigay ni Pangulong Duterte.