Binigyang-diin ni dating Senator Leila De Lima na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mastermind ng umano’y extrajudicial killings (EJK) sa kampanya nito laban sa ipinagbabawal na gamot.
Sa pagdinig ng House Committee on Human Rights sinabi ni De Lima na walang duda na si dating Pangulo Duterte ang mastermind dahil siya ang instigator at inducer sa drug war killings.
Si De Lima ay nakulong ng anim na taon matapos na sampahan ng kaso kaugnay ng ipinagbabawal na gamot.
Napawalang-sala naman ito sa tatlong kasong isinampa sa kanya.
Ayon sa dating senador ang drug war ay isang opisyal na programa ng gobyerno ni Duterte na ipinatupad sa pamamagitan ng Oplan Double Barrel, isang dokumentadong plano ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa dating senador ang mga hakbang sa pagpapatupad ng planong ito ay isang sistematikong pag-atake sa mga sibilyan at dapat na ituring na crimes against humanity sa ilalim ng international humanitarian law.
Sinabi ni De Lima na ang drug war ay unang ipinatupad ni Duterte noong ito ay mayor pa ng Davao City gamit ang Davao Death Squad (DDS).
Ayon kay De Lima inorganisa ang mga assassination squad na binubuo ng mga pulis at sibilyan upang magsagawa ng pagpatay.
Ang grupong ito umano ang tumutukoy sa kanilang papatayin gamit ang operasyon ng pulis o “riding-in-tandem” vigilantes.
Sinabi ni De Lima na ang mga dating miyembro ng DDS na sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas ay nag-ugnay kay Duterte sa iligal na droga.
Ayon sa dating senador, ang kanyang mga hakbang upang mapagsalita si Matobato sa Senado noong 2016 ay nagresulta sa pagsibak sa kanya bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights at sa pagsasampa ng kaso at pag-aresto sa kanya.
Si Lascañas ay isa na ngayong testigo sa imbestigasyon ng International Criminal Court’s (ICC) kaugnay ng war on drugs campaign ni Duterte.
Sinabi rin ni De Lima sa pagdinig ang isiniwalat ni dating Sen. Sonny Trillanes kaugnay ng dokumento mula sa ICC na nagsasabing si Sen. Bato Dela Rosa na PNP chief noong panahon ni Duterte at ilan pang dating opisyal ay itinuturing ng suspek sa imbestigasyon ng ICC.
Iginiit din ni De Lima ang kakulangan umano sa imbestigasyong ginawa sa bansa laban sa war on drugs.
Batay sa isang ulat ng Malacañang noong 2017, sinabi ni De Lima na mahigit 20,000 pagkamatay ang natukoy sa loob ng 16 na buwan.
Pero 52 kaso lamang umano ang sinusugan ng Department of Justice kung saan 32 ang itinuring na sarado na, isa ang nahatulan ng guilty, at ang iba ay iniimbestigahan pa.
Iginiit ni De Lima ang kahalagahan ng isinasagawang imbestigasyon ng ICC upang mapanagot ang mga matataas na opisyal.