Pinag-iingat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang US State Department sa anumang hakbang na gagawin laban sa Pilipinas.
Kasunod ito sa ilang senador sa US ang humiling kay President Joe Biden na tutukan nito ang nagaganap daw na paglabag sa karapatang pantao ng gobyerno ni Pangulong Duterte.
Sa kaniyang national address nitong Lunes ng gabi sinabi ng pangulo na dapat mag-ingat ang US state department sa galaw nito dahil marami ring nagaganap na human rights violations sa Amerika.
Magugunitang sumulat sina Senator Edward J. Markey at 10 iba pa kay Secretary of State Antony Blinken na hinihikayat ang gobyerno na pumanig sa mga Filipino para labanan ang nasabing mga pang-aabuso.
Itinukoy ng mga senador na ito ang mga nagaganap umano na hindi makataong drug war na kasabwat ang mga vigilante group kung saan itinatanim ang ebidensiya at iniimbento lamang ang mga ulat.