GENERAL SANTOS CITY – Muling iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte dapat matigil at maipasara sa lalong madaling panahon ang operasyon ng KAPA Ministry International Inc. kaugnay sa ginagawa nitong panloloko sa kanilang mga miyembro o investors.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang pamamahagi ng certificate of land ownership award (CLOA) sa mga agrarian reform beneficiaries sa Lagao Gymnasium, General Santos City.
Sinabi ni Pangulong Duterte, kailangang maipatupad ang batas at panagutin ang mga taong nasa likod ng malaking panloloko sa mga biktima.
Kasabay nito, tahasang binalaan at pinagbantaan din ni Pangulong Duterte ang founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario na kanya pang pinagmumura.
Ayon kay Pangulong Duterte, hinihintay na sa impiyerno si Apolinario na isang pastro pa naman.
Humihingi naman ng paumanhin si Pangulong Duterte sa mga nabiktima ng KAPA lalo na ang mga nakuhanan ng malaking halaga ng pera.
Nagpahayag pa si Pangulong Duterte na kung pustiso ang ngipin ni Apolinario, kanya itong ipakakain.
Binalaan din ng pangulo ang mga agrarian beneficiaries na huwag subukang ibenta o isangla ang titulo ng lupa dahil kapag nagkataon, ipatatawag niya at sila’y papipilahain para pagsusuntukin, babae man o lalake.
“Sabi ko cash on, nandiyan na ang mga titulo nyo. Nay koy tambag (may payo ako sa inyo) Hinay hinay lang baligya para capital sa KAPAA (dahan-dahan nyong ibenta yan para ipang capital sa KAPA). Iprenda kay ugma ipatawag ta mo ug palinyahon ta mo ngari sumbag dawat babaye ug laki (iprenda nyo at bukas ipapatawag ko kayo lahat. Palinyahin ko kayo dyan at pagsusuntukin ko kayo.. mapa lalaki o babae man)
Maminaw mo ha. (makinig kayo ha),” ani Pangulong Duterte.