-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatakda umanong muling magkita sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari sa pagbalik nito sa Pilipinas galing sa ibang bansa.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Emmanuel Fontanilla, tagapagsalita ng MNLF sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Fontanilla, gaganapin ang pag-uusap nina Duterte at Misuari sa lungsod ng Davao.

Hindi na idinetalye ni Fontanilla kung ano ang pag-uusapan ng dalawa ngunit tiniyak nito na nananatili ang tiwala ng MNLF sa Duterte administration sa pagpapalakad nito.

Dagdag pa ni Fontanilla, nanatiling committed ang kanilang grupo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Umaasa naman ang MNLF na magiging katuwang sila ng gobyerno sa pagsulong ng Pederalismo na uri ng panggobyerno.

Matatandaang pinayagan si Misuari na makalabas sa bansa upang dumala ika-48 na pagpupulong ng Organization of Islamic Cooperation Council (OIC) of Foreign Ministers at 14th Session of the Parliamentary Union of Islamic Cooperation (PUIC) Member States sa United Arab Emirates at Morocco sa kabila ng kinakaharap nitong kaso.