Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng gabinete ang National Telecommunications Commission (NTC) na patawan ng sanctions ang mga internet service providers (ISPs) dahil sa kanilang kabiguang pigilan ang paglaganap ng child pornography.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, kasunod ito ng data na nagsasabing dumoble ang suspicious transaction reports kaugnay sa online sexual exploitation sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan mula sa 19,000 noong 2019, pumalo ito sa 47,937 nitong 2020.
Batay sa Republic Act 9775, inaatasan ang ISPs na ipaalam agad sa Philippine National Police (PNP) o sa National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng pitong araw matapos mapag-alamang nagagamit ang kanilang server o pasilidad sa anumang uri ng child pornography.
Ayon kay Sec. Nograles, iniimbestigahan na ng PNP at NBI ang napaulat na pagbebenta ng ilang estudiyante ng kanilang hubad na larawan o video para may pantustos sa kanilang distance learning requirements sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, hinikayat ng national government ang Kongreso na magpasa ng batas kung saan exempted ang trafficking in persons mula sa Anti-Wiretapping Law, palawakin ang membership ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at palakasin ang konseho sa pamamagitan ng dagdag na manpower at pondo.