Nagpaliwanag ang Malacañang sa pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng banggaan ng isang Chinese vessel at bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank kumpara sa pagiging matapang nito noon sa isyu ng basura ng Canada.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, magkaiba naman ang sitwasyon ng vessel collision at usapin ng mga basurang mula Canada.
Ayon kay Sec. Panelo, ang isyu ng basura ng Canada ay limang taon nang narito sa bansa habang ang nangyaring sea vessel collision ay bago pa lamang at hindi pa nga nalalaman ang tunay na kaganapan.
Kasalukuyan pa umanong iniimbestigahan ang insidente at hindi pa malinaw kung Chinese vessel nga ang nakabangga sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino.
Paliwanag pa ni Sec. Panelo, sadyang nag-iingat lamang si Pangulong Duterte sa mga sasabihin nito sa insidente o ang tinatawag na calibrated response.
Samantala, iginiit ni Sec. Panelo na hindi pinopolitika ng gobyerno ng Pilipinas ang isyung ito sa Recto Bank taliwas sa sinasabi ng Chinese Foreign Ministry.
Iginiit ni Sec. Panelo na hindi ang banggaan mismo ang inirereklamo ng gobyerno dahil nangyayari talaga ito sa karagatan pero ang hindi katanggap-tanggap ay ang pag-abandona ng Chinese crew sa mga mangingisdang Pilipino nang mabangga ang kanilang bangka at lumubog at hindi man lang sinaklolohan.