-- Advertisements --

Humingi ng dispensa si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo kung kanya itong inakusahang nag-iimbita ng prosecutor mula sa United Nations.

Ayon kay Pangulong Duterte, narinig lamang daw nito ang nasabing impormasyon sa balita.

Paliwanag pa ng Punong Ehekutibo, nalalaman niya na lamang daw na “fake news” ang kanyang nasasagap kapag lumikha na ng ingay at marami na ang nakapagbigay ng kani-kanilang mga reaksyon.

Magugunitang ilang beses nang nagpatutsada si Pangulong Duterte kay Robredo bunsod ng umano’y pakikipag-usap nito sa human rights advocate na si Phelim Kine, na nagsabing nakahanada na siya at nakaimpake na ang kanyang bagahe para pumunta ng Pilipinas at bigyang tulong si Robredo sa war on drugs.

Una na ring sinabi ng Pangulo na hindi raw ito mag-aatubili na sampalin sa harap ni Robredo si Kine.

Mariin namang itinanggi ng pangalawang pangulo na nakipag-usap ito kay Kine maging sa iba pang mga prosecutors mula sa UN.