-- Advertisements --

Nagsagawa ng sorpresang inspeksyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Terminal 2 kasunod ng mga napabalitang flight delays at cancellations.

Sa nasabing inspeksyon kaninang alas-2:00 ng madaling araw, kinausap ni Pangulong Duterte ang mga airline at NAIA officials para malaman kung may flight diversions at kung ang mga apektadong pasahero ay nabibigyan ng insentibo para maibsan ang pagkaabala o perwisyo.

Nagbigay naman ng briefing ang Philippine Airlines manager at NAIA-Terminal 2 airport duty manager kay Pangulong Duterte kaugnay sa problema sa mga flights at ipinaliwanag ang mga aksyong ipinapatupad para maging normal ang sitwasyon.

Kasabay nito, humingi ng paumanhin si Pangulong Duterte sa mga pasahero kaugnay sa perwisyong dulot ng flight aberrations at nangakong magkakaroon ng solusyon sa loob ng isang buwan.

Kabilang sa kasama ni Pangulong Duterte sa inspeksyon sina Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal, Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Capt. Jim Sydiongco, Rep. Martin Romualdez, at Davao businessman Sammy Uy.