Kinumpirma ni Sen. Bong Go na galit din si Pangulong Rodrigo Duterte sa napabalitang posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, na convicted sa kasong murder at rape.
Magugunitang napaulat na baka makakalaya na sa susunod na dalawang buwan dahil sa pagkakabawas ng hatol bunsod ng batas sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang kontrobersiyal na dating mayor.
Sinabi ni Sen. Go, talagang nagalit din si Pangulong Duterte at hindi siya sang-ayon na makalaya si Sanchez.
Inihayag pa ni Sen. Go na may binanggit si Pangulong Duterte na mga batas kaya hindi pwedeng makalaya ng kulungan ang dating mayor na gumawa ng karumal-dumal na krimen.
“I can’t speak in behalf of the President, pero kami nung nag-usap kami ng Pangulo talagang nagalit din siya at sinabi niya di rin siya sang-ayon at may mga sinite din siya na batas na minimum, in short ayaw din niya, galit po siya,” ani Sen. Go.
Samantala nilinaw naman ni Department of Justice Sec. Menardo Guevarra na nasa kamay na raw ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagrerekomenda kung tuluyang makakalaya si Sanchez.
Kinikilala naman daw ng kalihim ang bigat ng mga paglabag na nagawa ni Sanchez habang nasa loob ng bilibid, gayundin ang hiwalay pang double murder case nito noong 1996.
Nakausap na umano ni Guevarra ang mga opisyal ng BuCor para suriin ang pagiging eligible sa GCTA ng mga presong nahatulan sa mga heinous crimes.
Dumipensa ang kalihim laban sa mga kritiko at nilinaw na hindi pa nare-review ang records ni Sanchez gayundin na hindi pa ito ginagawaran ng GCTA.
Una na ring sinabi ni BuCor chief Nicanor Faeldon na imposibleng makalabas agad ng Bilibid ang dating mayor dahil sa ilang paglabag na nagawa nito habang nasa loob ng kulungan tulad na lamang nang pagkakumpiska ng isang kilo ng shabu noon at nadiskubre ng aircon at iba pa sa kanyang kulungan.