Pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y kawalan ng paghahanda ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa “seasonal” na El Niño.
Sa talumpati nito sa isang campaign rally sa lungsod ng Malaybalay, Bukidnon, kinuwestiyon ni Pangulong Duterte ang pagkabigla raw ng MWSS sa epektong dala ng dry spell.
“MWSS. Anak ka ng p—, kada [season] may El Niño. Bakit hindi ninyo napaghandaan? Hindi pa nga dumating ang El Niño wala nang tubig. P—– i–. Saan na ba napunta ang tubig sa mundong ito?” anang pangulo.
Kung hindi pa raw nito nagbanta na magtutungo ito sa ahensya, hindi umano ito kikilos upang maibalik ang serbisyo ng tubig.
“Kung hindi ko pa sinabi na pupuntahan ko sila, ayan, kinabukasan nagkatubig na,” ani Duterte.
Una nang nag-abiso ang National Water Resources Board (NWRB) sa mga residente ng Kalakhang Maynila na magtipid muna sa pagkonsumo ng tubig dahil malapit na sa critical level ang tubig sa Angat Dam.
Ito’y halos isang buwan makaraang umani ng samu’t saring batikos ang MWSS at Manila Water dahil sa naganap na serye ng water service interruptions na nakaapekto sa nasa 1.2-milyong kabahayan.