-- Advertisements --

Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritiko na magdeklara ng revolutionary war at suspensyon ng writ of habeas corpus sa oras na mapuno sa mga kritiko.

Sa kanyang talumpati sa pagtitipon ng mga piskal sa Puerto Princesa, Palawan kagabi, sinabi ni Pangulong Duterte na kapag napuno na siya ay maaaring ideklara ang pag-suspendi ng habeas corpus.

Nag-ugat ito sa naging payo ni Sen. Franklin Drilon na maging maingat ito sa gagawing review sa mga kontratang pinasok ng gobyerno.

Sinabi ni Pangulong Duterte, punung-puno na siya sa problema sa iligal na droga, krimen at rebellion kaya huwag daw siyang sasagarin.

Ayon kay Pangulong Duterte, maliban sa revolutionary government, magdedeklara din siya ng suspensyon sa writ of habeas corpus para ipaaresto na lahat mga rebelde, durugista, kriminal at kasama na mga kritiko gaya ni Sen. Drilon.

Inihayag ni Pangulong Duterte na hindi siya tanga para magsagawa ng review na hindi mangingibabaw ang interes ng Pilipinas sa mga nasabing kontrata.

“So huwag ninyo akong… Kasama kayo sa mga rebelde, mga kriminal pati ‘yung mga durugista. And then pahirapan mo ako. I will declare a revolutionary war until the end of my term,” ani Pangulong Duterte.

https://www.facebook.com/rtvmalacanang/videos/2409054492667722/

Magdedeklara ito ng revolutionary war hanggang sa pagtatapos ng kaniyang termino.

Hindi rin nito maiwasang banatan si Senate Minority Leader Franklin Drilon matapos na pagsabihan ang pangulo na maging maingat ito sa pag-aaral sa lahat ng mga kontrata at loan agreements na pinapasok ng gobyerno.