CEBU CITY – Ikinatuwa ng daan-daang pamilya na apektado ng killer landslide sa Naga City, Cebu ang libreng pabahay mula sa national government at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos na sinaksihan ng Pangulo ang groundbreaking ceremony ng 2-hectare housing project sa Brgy. Inuburan at Brgy. Tinaan ng nasabing lungsod.
Ayon kay Duterte na pinakinggan nito ang hiling ng mga pamilyang apektado ng naturang landslide na mabigyan ng sariling pamamahay.
Dagdag pa ng Pangulo, libre ang naturang pabahay at hindi na kailangang bumayad pa ng P400 kada buwan.
Samantala, natutuwa naman ng isa sa mga beneficiary na si Alejandro Ravines dahil sa libreng pabahay na handog ng gobyerno.
Hiling naman ni Ravines na huwag mawalan ng pag-asa at magkaisa upang makabangon.
Napag-alaman na isa si Ravines sa mga nakaligtas sa killer landslide noong September 20, 2018 na kumitil sa halos 100 katao at marami naman ang naging missing.
Nakatakdang isagawa ng National Housing Authority (NHA) ang contruction ng 192 mga bahay para sa mga beneficiaries sa loob ng 408 calendar days.
Bukod sa mga local officials, dumalo sa groundbreaking ceremony sina Presidential Assistant for the Visayas Michael Lloyd Dino, Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) Chair Secretary Eduardo Del Rosario, National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada, Jr., at Cebu provincial Governor Gwendolyn Garcia.