-- Advertisements --

Nakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong bayan sa paggunita sa Araw ng Kagitingan.

Sa kanyang taped video message para sa ika-79 National Day of Valor, sinabi ni Pangulong Duterte na sa pamamagitan ng araw na ito ay mabibigyan tayo ng isang matibay na paalala ng hindi matatawarang determinasyon ng mga Pilipino na mangibabaw sa lahat ng uri ng hamon at pagsubok.

Ayon kay Pangulong Duterte, ang katapangan ng ating mga ninuno na ipinakita sa panahon ng pagtatanggol sa Bataan halos walong dekada na ang nakalipas ay nag-iwan ng katangi-tanging marka sa kasaysayan at humubog ng ating diwa para bumangon sa bawat pagbagsak o pagkakadapa.

Inihayag ni Pangulong Duterte na habang nagpapatuloy ang bansa na malagpasan ang hamon ng COVID-19 pandemic, hayaang maglaan tayo ng konting sandali para parangalan ang lakas ng loob at dedikasyong ipinamamalas ng ating mga health workers at essential frontliners.

Ang hindi umanong matatawarang commitment nila sa labang ito ay nagpapakita ng kabayanihan ng ating mga ninuno na nakipaglaban at ipinagtanggol ang Bataan noong mga unang panahon na patuloy na nagbibigay ngayon ng inspirasyon at pagiging makabayan sa panahong gipit ang sitwasyon.