TUGUEGARAO CITY – Pinuri ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang agad na pag-aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersya na kinasasangkutan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ay matapos sibakin sa pwesto ng Pangulo si BuCor chief Nicanor Faeldon at ipag-utos na muling arestuhin ang nasa 2,000 inmates na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ayon kay Atty. Egon Cayosa, presidente ng IBP, nagpakita ng “political will” ang presidente dahil kahit na malapit sa kanya si Faeldon ay sinibak pa rin nito sa tungkulin.
Umaasa si Cayosa na hindi lamang titigil sa pagsibak ang gagawin, sa halip ay dapat mayroong managot para hindi na pamarisan at maitama ang maling sistema sa naturang ahensiya.
Kaugnay nito, iginiit ni Cayosa na dapat ay maglagay ng transparency mechanism sa IRR o implementing rules and regulation sa nasabing batas at magkaroon ng malinaw na accountability sa public officials.
Aniya, dapat magkaroon ng paglilitis hindi lamang kay Faeldon kundi maging sa kanyang mga kasama para mapanagot at mabigyan ng kaparusahan ang mga sala.
Samantala, sumasang-ayon din ang IBP na muling arestuhin ang mga convicted criminals na una nang pinalaya dahil sa maling implementasyon ng republic act 10592 o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Aniya, tama na muling ibalik sa kulungan dahil may mali sa kanilang paglaya.