-- Advertisements --

Hihintayin na lamang umano muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon sa naganap na pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.

Ito ang unang pagkakataon na nagsalita ang Pangulong Duterte buhat nang nangyari ang insidente noong nakaraang linggo.

Sa kanyang talumpati sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy sa Sangley Point, Cavite, sinabi ng Pangulong Duterte na nais niya raw na mabigyan ng pagkakataon na marinig ang magkabilang panig sa insidente.

“‘Yung nangyari diyan sa banggaan, that is a maritime incident. ‘Wag kayong maniwala sa mga pulitiko na bobo, gusto papuntahin ‘yung Navy, you do not send gray ships there, banggaan lang ng barko ‘yan,” wika ni Pangulong Duterte.

“With all the galit and one national official even urging sending the grey ships, warships doon sa China Sea. Alam mo gusto ko ‘yan. Kung ako lang pipiliin ninyo, gusto ko ng aksyon, but I am not in my boyhood age anymore.

“You do not send grey ships there. Banggaan lang ng barko ‘yan. Do not make it worse because that’s a fertile ground. Alam ng sundalo yan, miscommunication yan patay na. We are not yet as ready and we can never be ready in a nuclear war.”

Sinabihan din ng Commander-in-Chief ang Philippine Navy na “umiwas sa gulo” at nanawagan ding huwag nang palalain ang isyu.

“Do not allow a little maritime accident or intentional go to…” dagdag nito.

Una nang sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na maingat umano si Pangulong Duterte sa paghawak sa insidente.

“We are responsible. We are cautious, the President is,” ani Panelo. “The President, as a lawyer and as President, will have to wait for all the facts to set in before he makes a declaration or any move.”

Matatandaang naganap ang banggaan sa bahagi ng Recto Bank nitong gabi ng Hunyo 9 kung saan inabandona rin umano ng crew ng Chinese vessel na ang mga sakay naman ng fishing boat na FB Gimver 1 na may 22 Pilipinong mangingisda.