-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Naniniwala si Senator Richard Gordon na gusto lamang ni Presidente Rodrigo Duterte na idistract ang atensyon ng mga tao sa imbestigasyon na isinasagwa sa ngayon tungkol sa hinihinalang korapsyon sa ilang mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon kaya personal ang kanya pag-atake sa mga Senador at Commission on Audit.

Ito ay matapos ang ipinahayag ng Presidente sa kanyang Address to the Nation na hindi dapat paniawalaan ang sinasabi ng Kongreso at Senado dahil nag-iingay lang ang mga ito upang makaporma sa eleksyon.

Sinabihan rin nito si Senator Gordon, na siyang namumuno sa Senate investigation sa hinihinalang overpricing sa pagbili ng face shield at face mask noong nakaraang taon, na champion sa talkathon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gordon, walang sinisilbing layunin ang mga pahayag ni Duterte at personal ang kanyang mga atake.

Aniya, gusto nilang protektahan ang mga Filipino kaya hinahanap nila ang sagot kung bakit napakalaking halaga ng pera ang hindi nautilize ng mabuti ng ahensya.

Ayon sa senador, hindi tama at patas na sabihin ng chief executive na huwag maniwala sa COA at sa Senado dahil ito ang kanilang trabaho.

Tinawanan naman nito ang binabato sa kanya na may koneksyon sa eleksyon ang isyu at nanindigan na hindi ito ang kanilang motibo.

Ayon kay Gordon, dapat magpasalamat ang bansa na may mga Senador na nagsusuri kung saan napupunta ang pera at hindi ibig sabihin na sila ay nag-iimbestiga, mayroon na silang personal na motibo.