Muling tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at militar na kasama ang mga ito sa unang matuturukan ng bakuna laban sa COVID-19 nang libre, kasama na ang kanilang mga pamilya.
Sa talumpati nito sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Headquarters sa Jolo, Sulu, sinabi ng Pangulong Duterte na mauunang mabakunahan ang mga mahihirap, na susundan naman ng mga nasa unipormadong hanay.
“So ‘yung lahat sabi ko una ‘yung mga mahirap. Iyon talagang mga mahirap na isang tuka, isang kahig. Unahin ko ‘yon pati ‘yung uniformed service kasi eh kung paano kung magkasakit itong lahat,” wika ni Duterte.
Sasabihin din aniya nito kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr na isama rin sa mga prayoridad sa pagbabakuna ang pamilya ng mga uniformed personnel.
“So ito lahat libre ito. Libre ‘to. So that you would depend… Para hindi kayo mag-worry kung nandiyan na na ano kayang mangyari. Eh, ano ito… this is a very vicious microbe,” anang pangulo.
“Magpunta ‘yung mga mag-inject sa mga kampo, turukan pati ‘yung mga anak ninyo. So ito lahat, libre ito… para hindi kayo magworry,” dagdag nito.
Una nang sinabi ni Malacañang na nasa 25-milyong Pilipino na kinabibilangan ng mga health workers, mga mahihirap, at mga uniformed personnel ang kasama sa mga unang mababakunahan ng COVID-19 vaccine.
Target ng pamahalaan na makabili ng kabuuang 148-milyong doses ng COVID-19 vaccine ngayong taon, na sapat upang mabakunahan ang nasa 70-milyong katao.
Noong nakaraang taon nang maturukan na ang mga miyembro ng Presidential Security Group ng COVID-19 vaccine na galing sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm, kahit wala pa itong approval mula sa Food and Drug Administration.