Nagpaliwanag ang Malacañang kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na “evil” ang partylist system sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, posibleng nais nang alisin ni Pangulong Duterte ang partylist system sa bansa o kaya ay nais lamang nitong nanggagaling sa mismong marginalized sector ang kinatawan ng bawat partylist.
Ayon kay Sec. Panelo, nagpapahayag lamang ng ideya si Pangulong Duterte pero ang Commission on Elections (Comelec) pa rin ang magku-qualify sa mga nominees.
Inihayag ni Sec. Panelo na nasa Comelec pa rin ang desisyon kung tutugunan nila ang ideyang ito ni Pangulong Duterte.
Sa kanyang talumpati kagabi, iginiit ni Duterte na ang mga mayayaman ang nakikinabang o kumo-kontrol sa mga partylist na dapat sana ay para sa mga sektor na kanilang inirerepresenta.