-- Advertisements --

Inaasahan na sa darating na Hunyo 28 na iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng kongresista na kanyang iendorso para maging susunod na House Speaker.

Ayon kay Masbate Representative-elect Wilton Kho, ito raw ang naging anunsyo ni Pangulong Duterte sa dinner meeting nila kasama ang iba pang mga neophyte congressmen kagabi.

Sinabi ni Kho sa ambush interview ng mga reporters na bagama’t sinabihan sila ng Punong Ehekutibo na bagama’t may iendorso siyang kongresista, malaya pa rin daw ang mga House members na botohin ang kanilang napupusuang speaker-aspirant.

Limang kongresista na ang nagpahayag ng kanilang interes para sa pinakamataas na posisyon sa Kamara, ito ay sina Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano, Leyte Representative-elect Martin Romualdez, Marinduque Representative Lord Allan Velasco, Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez, at Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales.

Nauna nang nakipagpulong sina Cayetano, Velasco at Romualdez kay Duterte sa sidelines ng official trip nito sa Japan at napaulat na hiningi sa Punong Ehekutibo na pumili sa kanila kung sino ang iendorso nito.