Ibinunyag ng ina ng Filipina transgender na si Jennifer “Jeffrey” Laude ang binitawang pangako noon ni Pangulong Duterte na kahit kailan ay hindi nito hahayaang makalaya si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay Julita Laude, nagbigay pa ng tulong pinansyal sa kanila ang presidente noong 2017 dahil masaya raw ito na tinuloy nila ang kaso laban kay Pemberton.
Ito ay sa kabila ng pamimilit ng kabilang kampo na magkaroon na lang ng settlement.
Sa isang mensahe na ipinadaan nito kay Atty. Virgie Suarez, aminado si Aling Julita na masama ang kaniyang loob sa pangulo sa pag-aakalang kakampi nila ito sa laban na kanilang hinaharap.
Sampung taon lang aniya ang hinihingi ng kanilang pamilya upang kahit papaano ay pagbayaran ni Pemberton ang kaniyang ginawang krimen ngunit hindi pa ito napagbigyan.
Muling nabuhay ang isyu sa pagpatay ni Pemberton kay Laude noong 2014 nang maglabas ng release order ang Olongapo Regional Trial Court sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) credits.
Dahil dito ay napagdesisyunan ng pangulo na bigyan ng absolute pardon si Pemberton dahil hindi raw naging patas ang pakikitungo ng bansa sa naturang U serviceman.