CENTRAL MINDANAO – Namahagi si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagkain at tulong na pinansyal sa mga biktima ng lindol sa probinsya ng Cotabato.
Ang pamamahagi ng tulong ay ginanap sa M’lang National High School sa M’lang, Cotabato.
Sinamahan ang Presidente nina Senador Bong Go, DILG Secretary Eduardo Año, DSWD Secretary Rolando Bautista, Minda Chair Manny Piñol at National Housing Secretary Marcelino Escalada Jr.
Nakinabang sa humanitarian mission ang mga biktima ng lindol sa mga bayan ng M’lang, Tulunan, Makilala, Magpet, Cotabato at Kidapawan City.
Sa pakikipag-usap sa mga biktima ng lindol, sinabi ni Duterte na umaasa siya na maibsan ang epekto ng kalamidad sa tulong ng gobyerno.
Tiniyak ng Pangulo sa mga biktima ng lindol na patuloy silang tutulungan ng gobyerno hanggang sa makabangon at magsimulang muli sa bagong pag-asa at malaking kakayahan upang mamuhay ng marangal.
Inaasahan ni Duterte na ang tulong ng gobyerno ay madama ng mga biktima ng lindol lalo na sa pagsalubong ng bagong taon.
Nanawagan din ang Pangulo na magkaisa at harapin ang bagong taon na may matatag na pag-asa.