-- Advertisements --

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsalubong sa 600,000 doses na donasyong Sinovac vaccine ng China.

Bago pa man mag-alas-5:00 ng hapon ay dumating na sa Villamor Air Base ang convoy ng pangulo.

Kasunod nito ang pagtungo sa kinalalagyan ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease (COVID), at doon sila nag-usap ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Ilan sa mga opisyal ng gobyerno na sumalubong sa COVID vaccine arrival ay sina Sen. “Bong” Go, Presidential spokesman Harry Roque, Health Sec. Francisco Duque, Executive Secretary Salvador Medialdea at iba pa.

Isa-isang ini-offload mula sa Chinese military aircraft ang kahong-kahon na naglalaman ng Sinovac at ito ay dinis-infect, bago kumuha ang pangulo ng sampol nito at ipinakita sa harap ng camera.

Sinovac arrival offloading

Nabatid na napaaga ang military craft ng China kung saan pasado alas-4:00 ng hapon pa lamang ay nakalapag na ito sa Villamor Air Base, taliwas sa napaulat na alas-5:00 ng hapon ito darating.

Samantala, nagpasalamat si Digong sa pamahalaan ng China para sa kanilang donasyong bakuna na panlaban sa nakakamatay na virus.

Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaan na magtutuloy tuloy na ang pagdating sa bansa ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease.

Muling hinikayat ni Roque ang publiko na huwag nang magdalawang isip na magpa-bakuna kahit pa hindi naman 100% sure na hindi na tatamaan ng COVID, pero ang mahalaga, ay hindi magiging malala ang mararanasang sintomas.