-- Advertisements --

Muling nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na tanging sa korte ng Pilipinas lamang siya haharap para sa umano’y crime against humanity na kanyang ginawa sa drug war ng kanyang administrasyon.

Sa kanyang naging talumpati sa inagurasyon ng bagong Leyte Provincial Capitol sa Palo, Leyte ay iginiit ng pangulo na kung ikukumpara siya sa kaibigan niyang si Russian President Putin na pumapatay ng mga sibilyan sa gitna ng naging pagsalakay ng Russia sa Ukraine, ay tanging mga kriminal lamang aniya ang kanyang pinatay sa kanyang anti-drugs campaign.

Muli ring binigyang-diin ni Pangulong Duterte na siya ay Pilipino kung kaya’t nararapat lamang na sa loob ng hurisdiksyon ng Pilipinas siya lilitisin kung aakusahan man siya ng isang bagay.

Mas gugustuhin din aniyang sa Muntinlupa siya dalhin kung makukulong man siya.

Magugunitang pansamantalang sinuspinde ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon nito sa umano’y crimes against humanity hinggil sa war on drugs ng administrasyong Duterte.