Binigyang-diin ng Malacañang na naninindigan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang “neutral position” sa pagpili ng bagong House Speaker at ipaubaya na lamang ito sa mga miyembro ng Kamara.
“The President yesterday made clear his position that he would leave the choice for Speakership to the capable hands of the members of Congress and will not endorse a particular individual for the position. May the best and most competent aspirant win,” ani Sec. Panelo.
Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag kasunod ng pag-anunsyo ni Sen. Manny Pacquiao na si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco ang pambato ng Partido Demoktatiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) sa pagka-Speaker.
Sinabi ni Sec. Panelo, walang balak si Pangulong Duterte na mag-endorso ng partikular na kandidato at umaasang mananalo ang pinakamagaling at may kakayahang mamuno sa Kamara.
Ayon kay Sec. Panelo, komportable naman si Pangulong Duterte kahit sino pa sa mga kandidato ang mananalong Speaker dahil lahat sila ay kaalyado ng pangulo.
Iginiit ni Sec. Panelo na magpo-pokus na lamang ang Chief Executive sa pamamalakad ng gobyerno imbes na makisawsaw sa laro ng pulitika at masaktan pa ang mga hindi nito pipiliin o iendorso.
“The Chief Executive would rather focus on the business of governance rather than play politics and ruffle the feelings of those outside of his preferred choice. The latter is simply not the character and style of the Chief Executive,” dagdag ni Sec. Panelo.
Kumpiyansa rin aniya si Pangulong Duterte na ang susunod na lider ng Lower House ay magsusulong sa kanyang legislative agenda para sa interes ng bansa at kapakanan ng mga mamamayan.