-- Advertisements --

VIGAN CITY – Hindi umano magdadalawang isip si Pangulong Rodrigo Duterte na katigan ang rekomendasyon ng mga local government officials, lalo na ang mga alkalde, gobernador at mga kongresista, pati na ang iba pang lokal na opisyal kung nais nilang palawigin pa ang Martial law sa Mindanao.

Sa talumpati nito noong Huwebes ng gabi sa inagurasyon ng by-pass road sa Candon City, Ilocos Sur, nilinaw ni Pangulong Duterte na hindi umano niya itinutulak o inaadbokasiya ang pagpapalawig ng batas militar sa nasabing rehiyon.

Ngunit, kung sa pananaw umano ng mga lokal na opisyal ay kailangan pa ang pagpapalawig ng martial law para maprotektahan ang interes ng mga Pilipino sa Mindanao at masiguro ang seguridad ng mga ito laban sa mga rebeldeng grupo at mga terorista, hindi umano ito magdadalawang isip na aprubahan ang kanilang kahilingan.

Sa kaparehong talumpati, inulit ng pangulo na marami pa umanong problemang kinakaharap ang bansa, isa na rito ang presensya ng mga rebeldeng grupo sa Mindanao at ang tila pagpasok ng mga banyagang terorista sa nasabing rehiyon.

Matatandaang noong Martes, isa sa mga matataas na opisyal ng gobyerno ang nagrekomenda na palawigin pa ang Martial Law sa Mindanao ng isa pang taon dahil sa kaguluhan sa nasabing lugar.