Nakatakdang bumiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte papuntang Beijing, China, sa darating na April 25 hanggang 27 para dumalo sa Belt and Road Initiative (BRI) na inorganisa ng China.
Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Meynardo Montealegre, layunin ng BRI na gawing mas konektado ang mga bansa sa sektor ng infrastructure development, trade, financial integration at iba pa.
Ayon kay Asec. Montealegre, sa April 27 ay inaasahang isa si Pangulong Duterte sa lead speakers sa gaganaping Leaders’ Roundtable.
Dito inaasahang maglalabas ng joint communique ang 40 lider na dadalo sa BRI.
Magkakaroon din ng bilateral meeting si Pangulong Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping at isa pang hiwalay na pulong kay Chinese Premier Li Keqiang.
Inaasahang may limang kasunduan o bilateral agreements ang mapipirmahan sa larangan ng edukasyon, anti-corruption, drug rehabilitation at iba pang sektor na may kapwa interes ang Pilipinas at China.
Samantala, hindi matiyak ni Asec. Montealegre kung uungkatin ni Pangulong Duterte sa bilateral meeting ang isyu ng presensya ng Chinese vessels sa Panatag Shoal at malapit sa Pag-asa Island.
Gayunman, tiniyak ng foreign affairs official na isusulong ni Pangulong Duterte ang interes at posisyon ng Pilipinas sa usapin ng agawan ng teritoryo.