-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng mapilitan ang pamahalaan na isailalim muli sa lockdown ang Pilipinas kung sakaling makapasok sa bansa ang napaulat na bagong strain ng coronavirus na naitala sa United Kingdom.

Sa pulong nito sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) at health experts sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Duterte na nakadepende ang muling pagpapatupad ng lockdown sa bansa sa bilang ng mga dadapuan sa Pilipinas.

“Actually, iyong lockdown is a possibility. I said we are making some projections but if the severity in number would demand that we take corrective measures immediately, then we just have to go back to lockdown,” wika ni Duterte

Magkakaproblema rin aniya ang gobyerno kung kumalat sa Pilipinas ang bagong strain ng COVID-19 na kilala bilang B.1.1.7, lalo pa’t wala pang bakuna ang bansa.

“Pagkarumami sila with the new strain, and in the meantime that we are not able to confront them effectively, I mean the virus, well just have to…tama iyan it depends on the severity in number. Kasi kapag marami na we do not have the antidote on how to kill those variants. We’re going to have a problem there,” dagdag nito.

Umaasa ang Pangulong Duterte na hindi makakapasok sa bansa ang bagong variant ng coronavirus.

“We have to increase the surveillance and of course the quarantine. I hope it will not reach the Philippine shores, yung variant na ‘yan (that variant). Otherwise, we are in trouble,” anang pangulo.

Ayon naman kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, maaaring magpatupad muli ng mas mahigpit na lockdown ang pamahalaan, ngunit dapat ay pumayag ang IATF sa isang “threshold.”

“I think the IATF should put a threshold kung ilan araw-araw lumalabas na ano, then we might enforce again tighter lockdown. Kung bababa lang siya ng 2 or 3 below maybe… mag-usap tayo para sa treshold, para automatic lockdown tayo,” ani Lorenzana.

Sa panig naman ni Interior Sec. Eduardo Año, nananatiling “manageable” pa ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, ngunit dapat ay bantayan ng bansa ang mga international borders nito kung kinakailangan.

“Right now, there is no necessity to call for a lockdown… But we have to close the border if there is a real situation that will occur later on,” anang kalihim.