Kahit lubhang nakakapagod ay walang pinagsisihan umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng Pilipinas sa panahon ng kanyang administrasyon.
Ayon ito sa longtime aide ng pangulo na si Senator Bong Go kasabay ng pag-amin na talagang piniga mentally, physically, at sa kalusugan ng kanyang panunungkulan sa pagka-presidente si Pangulong Duterte.
Inilarawan ni Go bilang isang “thankless job” ang trabaho ng isang presidente at sinabing sa kabila nito ay walang naramdamang anumang pagsisisi ang pangulo hinggil dito sa kadahilanang ito na raw ang huling chapter ng kanyang buhay na ibinuhos naman niya sa paglilingkod sa mga Pilipino.
Samantala, tiniyak naman ni Go sa publiko na “physically fit” pa rin ang pangulo sa kanyang tungkulin na tapusin ang kaniyang termino at sa katunayan nga raw ay regular itong bumibisita sa Cardinal Santos Medical Center para sa kanyang routine checkups.
Nakatakda naman na magtapos ang termino ni Pangulong Duterte sa darating na Hunyo 30, 2022.